*reprinted po from PEYUPS.COM. It was one of my articles which got published in the said site. I changed my *penname for private reasons :-) It's my lolo's death anniversary so i just thought this would be an appropriate tribute for him :-)
Ang Duyan ni Papa Ipe
by: *PERLAS
http://www.peyups.com
Siguro mga sampung taong gulang ako noon nang pumunta kami sa Bicol para bisitahin namin ang aming lolo at lola-mga magulang ng tatay ko. Nuong maliit pa ako, madalas silang sunduin ng tatay ko para magbakasyon sa Maynila pero sa pagkakataong ito, kami naman ang bumisita sa kanila.
Isang linggo kami sa Bicol. Masaya pa ako noong mga unang tatlong araw, pero unti-unti, nabagot ako. Sanay kasi ako sa magulo at maingay na paligid. Wala pa silang TV noon, radyo lang. Kaya para sa isang batang katulad ko na lumaki sa Maynila, madali akong nabagot. Napansin siguro ni Papa Ipe (ang aking lolo) na malungkot ako noong mga oras na iyon.
"Gusto mo, gawan kita ng duyan?", wika ni Papa Ipe.
Nabigla ako. Tahimik at walang imik kasi ang lolo kong ito. Pamasid-masid lang. Hindi nga siya gaanong magiliw sa mga apo niya.
Tumango ako. "Sige po, Papa." Pero sabi ko sa sarili ko, ano naman ang magagawa ng duyan? Mababawasan ba ang pagkalungkot ko pag sumakay ako diyan?
Maya-maya, bumalik siya sa aking tabi, may hawak-hawak na duyang yari sa abaca na hinabi. Yun bang nabibili mo sa Albay. Tapos lumabas kami ng bahay patungo sa hardin na pinaliligiran ng mga punong mangga. Ikinabit niya ang magkabilang dulo ng duyan at saka niya ako pinasakay. Tapos ay itinulak niya ito ng dahan-dahan. Ang sarap pala dito,bulong ko sa aking sarili.
"O, nagustuhan mo ba?" wika ni Papa Ipe.
"Opo. Salamat po," nakangiting sagot ko.
Ang dalawang nalalabing araw ko sa Bicol ay naging makabuluhan at masaya. Kapag nasa duyan ako, nandoon naman si Papa Ipe na nagkukuwento ng buhay niya habang inuugoy ako. Marami kaming napagkuwentuhan -- yung panliligaw niya kay lola, yung pagsasalo nilang pamilya tuwing tanghalian at hapunan (isang dosena ang kanilang anak), yung mga karanasan nila nung giyera, at kung anu-ano pa. Doon ko lamang nakita si Papa Ipeng madaldal at puno ng buhay. Minsan sa sobrang pagkukuwento niya ay nakakatulog ako.
Kasalukuyan. Naalala ko ang kabanatang ito nang bumisita kami sa bagong bahay ng mga magulang ko sa Cavite. Dinala kasi ng kapatid ko yung kanyang duyan na binili sa Albay. Humahanap kami ng magandang puwesto para mapagkabitan nito. Nang ikinabit na ng tatay ko sa dalawang puno ng mangga ang duyan ay humiga ako at nagpaugoy sa kanya. Parang nakikita ko muli si Papa Ipeng nakangiti at punung-puno ng buhay sa kaniyang mga kuwento.
"Pa, pag nagkaanak ako, iduyan mo rin siya dito ha?" sabi ko sa aking ama.
Siguro'y nabigla siya sa aking nabanggit. Sabay tingin at ngumiti sa akin. "Oo ba. Siyempre naman," wika ni tatay.
Sayang. Sana pati ang magiging anak ko ay maiugoy ni Papa Ipe sa duyan. Kaya lang wala na siya.
* * * * * * *
This article is from Peyups.com - The UP Online Community
Please include the author's name and the source of this article when copying or sending this article.
2 comments:
Wow! Buti ka pa napublish na and mga articles mo, hehe. :-)
Ako kaya, kelan?
zeb ---> hallo! thanks for dropping by!
snglguy ---> hiya there sngl! yep, been a member of peyups. i'll post the other articles next time :-)
Post a Comment