Monday, June 26, 2006

KANDILA


"Ngunit bawa't puso'y naglalakbay
Dumarating sa sangandaan
Aling landas ang susundin ng puso?
Saan ka liligaya? Saan mabibigo?
Saan ka tutungo?"


- SANGANDAAN
Inanglaya


Tumanda na naman ako. Isang kandila na naman ang nadagdag sa mga hinipan ko. At habang tinititigan ko ang liwanag na nagmumula sa mga kandilang nakasindi, may parang kumukurot sa puso kong naghahatid ng pangamba sa hinaharap. Sa tatlumpu't limang taon na inilagi ko sa mundong ito, naging makabuluhan kaya ang lahat ng nangyari at ginawa ko sa buhay ko?

Maraming beses na kong nagkamali, nadapa, bumangon, nadapa uli, bumangon. Hindi naman ako natututo. Pero napapansin ko lang na sa mga ganitong sitwasyon ay tumitibay ako at patuloy na lumalaban sa mga dumaragsang hamon ng buhay. May mga bagay akong natututunan habang nararanasan ko ang mapapait na pangyayaring ito. Nasusumpungan ko ang mga katangiang taglay ko at mas nakikilala ko ang aking sarili. Madalas kaysa hindi na ako'y magkamali sa aking mga desisyon na pinagsisihan ko sa bandang huli. Ngunit taas noo ko pa ring masasabi na sa kabila nito ay buo pa rin ang aking pagkatao.

May mga taong nakasama ko nang matagal at sa biglang iglap lang ay nawala. Masakit, ngunit kailangang tanggapin na isa na lamang sila sa mga matatamis na alaalang itatago ko na lamang sa aking puso. May mga tao rin namang nagbalik sa buhay ko at nanatili na upang ipagpatuloy ang anumang damdaming nasadlak nuong una. Wala akong dapat pagsisihan sapagkat ngayon ay sumidhi pa ang damdaming ito at mas naging aalab.

Marahil nga ay naging makabuluhan ang paglalakbay ko. Walang nasayang na sandali. Walang pagsisisi. Nasa sangandaan pa rin naman ako; lahat naman ng tao ay ganun din. Patuloy na tumatahak sa mga sanga-sangang landas. Kailangan lang talagang maging matatag. Kailangang handa sa mga masusukal na daan. Pasasaan ba't sa dulo ng daanang ito ay naroon ang liwanag na sasalubong at aakap sa akin.

4 comments:

Momel said...

Tsk, birthdays do tend to make you think noh? But enough of the bad vibes and let the good times roll. Cheers!

Happy Birthday Madame Butterfly!

Anonymous said...

Hey birthday mo rin pala! Seems like there are quite a few bloggers celebrating their bithdays this month.

Happy B'day Pearl. :-)

Momel said...

Ano naaaah! Wala lang, gusto ko talaga yung image eh. Crossroads chorva.

Muah! And cheers!

LIPAD PARUPARO LIPAD! said...

GUYS, thanks for dropping a note. been very busy these past few days. Super-mega hataw ang lola nyo. kelangang kumayod for the future. wehehehe....*hugs* for momel, guy and meigh :-)